Laging maagang pumapasok si Jason ng aklatan para mag-aral, magbasa ng kailangang basahing libro at gumawa ng mga project. Kakaunti lamang ang tao sa umaga. Marahil may parehas na kadahilanan kay Jason kaya nandun sila.
Mga isang oras ang tinagal ng biyahe niya mula bahay hanggang iskwela. Alas siyete bukas ng aklatan kaya alas-singko pa lang gising na siya. Madalas nauuna siya sa pagdating ng libraryan kaya sarado pa ito. Uupo siya sa tabi ng pinto para mag-intay; bubuksan ang aklat sa pahinang dapat basahin. Dahil sa mas madalas pang huli dumating ang librarian kaysa sa tamang oras; nakakatulog si Jason sa pag-hihintay. Kilala na si Jason nito kaya marahang ginigising siya nito sa balikat sugyat na bukas na ang aklatan. Isang maliit na ngiti ang babadbad kay Jason na sinusuklian din naman ng bata ng isa ring ngiti.
“Halika na, anak. Bukas na ang library. Pumasok na tayo. Alam kong marami kang gagawin ngayon,” ang sabi ng babae. “Opo, ma’am,” ang sagot ni Jason.
Ngunit noong araw na 'yun ay maaga si Ma’am kaya tuluy-tuloy lamang si Jason sa pagpasok ng silid. Diretso siya sa nakaugaliang upuan; sa tapat ng isang bintana malapit sa mga book selves. Napatingin na lamang ang librarian nang nakaupo na ‘yung bata at nasa kagitnaan ng kanyang pag-aaral. Napatigil ng sandali ang babae upang pagmasdan ang maliit na bata. Marahil sa dalaga pa siya kaya magaang ang kanyang loob sa nakikitang tiyaga at sipag ng batang naituring nang isang anak.
Naalala niya bigla ang mga pag-uusap nila. Napansin niyang mailap sa pagsagot ng bata sa mga tanong tungkol sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang ina na nag-iisang magulang. Di niya ito pinansin ng maigi. Inisip na lamang marahil sa likas na mahiyain ang bata. Sapat na regular ang pagpasok ng bata sa iskwela at mukhang maayos ang itsura ng bata; tanda ng may nag-aasikaso sa kanya. Pero ang napansin niya ay ang nakaugaliang hawak ng bata sa kanyang beywang habang magbabasa; parang nangangalay na buntis ang itsura nito. Kasama nito ang sandaliang pagpikit na mariin.
Isang taon na sila magkakilala ni Jason at nakasanayan na niya ang paglagi ng bata sa loob ng aklatan. Minsa'y tumutulong ito sa mga maliliit na gawain sa aklatan. Ang pagkuha ng mga libro sa shelves para hiramin at pagbalik nito kapag isinauli na. Naging katu-katulong niya ang bata ng di-naglaon. Lumipas ang mga buwan at ganito ang naging “routine” nilang dalawa. At lalong nakagaan ng kanyang loob ang bata. Bakas sa mukha ni Jason ang kagustuhang makatulong.
Kaya labis ang kanyang pag-aalala ng hindi nakapasok ang bata ng ilang araw. Umabot na ng isang linggo ang “absence.” Kinausap niya ang adviser upang alamin ang kalagayan ng bata. Ang sagot na nakuha ay “Marahil eh napagalitan na naman ng nanay yun at pinarusahan.” Nagpasya siyang sumama sa guro para i-“home visit” ang bata.
May kalayuan ang bahay ng bata, isang oras ang biyahe. Duon lang niya nalamang tatlong sakay pa pala bago makarating sa lugar. Huli ang sakay sa trisikel papasok sa looban. Nang makababa at makapagbayad sa driber, lumatad sa kanila ang malaking grupo ng mga tao. Sa gitna ng pulutong nito ay isang burol. Maliit lamang ang puting kabaong. May kaingayan ang paligid dahil sa mga nagsusugal. Wari mo’y walang pakialam sa patay; interes lamang ang makataya’t manalo. Napasilip sila sa nakaratay. Laking lungkot ang bumalot sa librarian ng makilala si Jason. Sumagi muli ang mga alala ng kanilang pinagsamahan. Tahimik na tumulo ang luha. Nagkaduktong-duktong na lahat ng kanyang masamid sa bata. Wala nang magawa kung hindi ang makiramay ng tahimik at mataimtim sa inang iniwan ng bata.
...!d(-_-)b!...
No comments:
Post a Comment