Friday, May 20, 2011

Ang Kaibigan (Isang Maikling Kwento) - "The Prodigal Son"

        Pagod si Pedro sa maghapong pagbubungkal ng lupa ng kanyang amo, Jaime. Si Jaime ang pinakamayama sa kanilang lugar. Maraming ari-arian at negosyo. Halos lahat ng mga tao sa bayan ay kanyang trabahador.

       Si Pedro’y isang ordinaryong tao. Mabait. Palakaibigan. Madaling kausapin. Mababa lang ang natapos na pag-aaral dahil sa kahirapan at kapurulan ng isip. Tanging pagbubungkal ng bukid ang kayang gawin kaya ito ang naging hanap-buhay. Ang kakulangan sa talino’y binawi sa lakas ng pangangatawan. Tanging pag-inom ang bisyo. Pang-alis daw niya ng pagod sa buong araw na paggagawa sa bukirin ni Among Jaime. Maliit lamang ang bayan nina Pedro at Among Jaime. Halos magkakakilala lahat at alam ang kwentong-buhay ng bawa’t isa.

       Nag-iisang bahay-inuman ang pinupuntahan ni Pedro para maglibang. Nasa labas ng bayan ito, patungong bukid ang kinalalagyan. Kaya nadadaanan ito tuwing pauwi na siya. Kilala siya sa bahay-inuman. Halos yun at yun ding mga tao ang matatagpuang umiinom. Walang basag-ulong nangyayari dahil sa magkakaibigan lahat. Tanging pakay ay magpakalasing para pansamantalang makalimot sa mga pasanin sa buhay.

       Isang araw may dinatnang bagong salta si Pedro. Tahimik lang ito sa isang sulok at mag-isang hinihimas ang malamig na baso. Nakakalahati na ang laman nito at dahil sa may kalaliman na ang gabi ng makarating si Pedro, marami na rin ang nainom. Malayo ang tingin nito at halatang malalim ang iniisip. Di pinapansin ang mga nakapaligid sa kanya. Nakaugalian na ni Pedro ang kausaping ang mga bagong salta sa bayan para maging kaibigan. Lumapit siya at tinabihan sa kabilang upuan. Nagpakilala si Pedro. Bagay namang ikinatuwa ng kausap. Mababaw lang ang mga pinag-usapan nila sa simula. Mga simpleng bagay: pangalan, kung saan nanggaling, estado sa buhay at bakit napadpad sa maliit na bayan. Marunong makibagay si Pedro kaya madaling nagkagaanan siya ng loob ng estranghero. Nagsimula na siyang magkwento ng mga serysong bagay tungkol sa buhay niya. Marunong din mangilatis ng pagkatao si Pedro kaya madali rin niyang napansing kakaiba ang tindig ng kausap. Mula sa pananalita, sa pag-galaw, sa pagbigay ng kuru-kuro at pananaw. “May sinasabi ‘to sa buhay” ani ni Pedro.

        Lumalim pa lalo ang gabi pero hindi pa rin matapos-tapos ang kwentuhan ng dalawa. Simple lang ang mga galaw ng estranghero. Hindi balbal ang pananalita. Hindi malakas tumawa. Magalang. Kung di lang sa gusgusing pananamit nito, masasabing nakakaangat sa buhay. Makatawag-pansin ang huling kwento ng estranghero bago siya nagpaalam. Sinabi niyang patungo siya sa kanyang bayan na matagal niyang hindi nakita. Malaki ang naging kasalanan niya sa kanyang amain. Uuwi siya para humingi ng tawad. Dating siyang mayabang at sakim na tao. Pilit na hiningin ang kanyang mana sa amain kahit na buhay pa ito. Naglayas siya nang makuha ang parte niya ng yaman. Nilustay sa pag-inom, pambababae at kung anu-ano pang bisyo.

      Hanggang sa tuluyang naubos ang kanyang pera at iniwan na ng mga kaibigan. Noong walang-wala na siya at saka niya napagtanto ang kanyang kamalian. Dito niya naisipang bumalik at humingi ng tawad. Napatahimik na lang si Pedro habang nakikinig sa kwento ng kanyang bagong kaibigan.

        Makitid man ang pag-iisip pero malawak ang puso ni Pedro. Naunawaan niya agad ang pakay ng kaibigan at nakiramay sa sinapit sa buhay. Nagsabi ang kaibigan na natatakot siya na hindi siya tanggapin ng amain. Marahang sumagot si Pedro na kung talagang ganung kabait ang kanyang amain, hindi ito magdadalawang-isip na patawarin siya. Wari’y lumakas ang loob ng kausap at nagkaroon ng bagong pag-nanais na makita ang ama. At dito na nagpaalam ang kaibigan. Nagpasalamat kay Pedro sa kabutihang ipinakita sa kanya. Sabay silang lumabas ng bahay-inuman. Mag-paalam sa isa’t isa; kanya-kanyang landas ang tinahak.

...!d(-_-)b!... 

7 comments: