Friday, May 20, 2011

EDSA at Ako

May 15, 2011 at 8:48am

Dalawangpu’t limang taon na ang nakakaraan. Ang bilis talaga ng panahon. Parang kahapon lang nang ako’y nasa EDSA kasama ang ilang libong tao. Pawang natatakot ngunit buo ang loob na harapin ang di-malamang kahihinatnang pangyayari na magbabago sa pananaw ng buong mundo sa Pilipino at sa kanyang saili.

Sariwa pa sa akin ang mga araw na iyon. Simula sa pagkapatay kay Ninoy sa tarmac ng M.I.A. (sa ngayo’y N.A.I.A.). Tanda ko pang nasa hallway ako ng kolehiyo ng San Sebastian, hawak ang first draft ng thesis ko sa Economics, patungo sa opisina ng aming thesis adviser. Nagdaan muna ako sa kantina para magpalakas ng loob nang marinig ang balitang nabaril at napatay si Ninoy. Marahil bunga na rin ng aking kabataan at ang kawalang-interes sa balita; unang sumagi sa aking isipan ang thesis ko. “Patay! Paano na ‘to?” Pawang pang-eskwela ang mga sumunod na tanong ko sa sarili. Pero nakatitiyak ako sa isang bagay: magiging magulo ang mga susunod na araw, buwan at taon.

Di naglaon nakatapos na rin ako ng pag-aaral at nakapagtrabaho. Taong 1985 ako nakapag-umpisa sa San Miguel Corporation. Unang araw ko sa opisina ang a-uno ng Septyembre. Panangdalian lamang ang estado ko sa SMC bilang isang “apprentice programmer.” Anim na buwan lamang ang kontrata ko duon. Madali ang aking “adjustment”; mababait ang mga kasamahan ko. Habang sa labas halos araw-araw ang mga rally at demonstrasyon sa Makati laban kay Marcos. Wala pa ring dating sa akin ang mga ‘to. Marahil naunawaan ko ng kaunti nang napasama ako sa kauna-unahang rally ni Cory sa Makati kung saan ngayon nakatayo ang rebulto ni Ninoy. Maingay pero masaya ang atmospira noon. Parang piyesta o “street party” ang dating dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan ng “yellow confetti” mula sa matataas na gusaling nakapigid sa Ayala at Paseo de Roxas. Halos di ko na marinig ang sinasabi ni Tita Cory sa lakas ng sigaw ng mga raleyista.

Di nagtagal naging “routine” ang mga araw ko: gigising, magbibihis, sasakay ng jeep o ng bus, papasok ng opisina, pagdating ng alas-singko’y uuwi, kakain at matutulog. Akala ko’y magiging tahimik ang paglalagi sa SMC. Pero painit ng painit ang situasyong political; nag-aalab na talaga ang damdamin ng mga Pilipino sa sinapit na tadhana ni Ninoy. Nag-daan ang “snap election.” Nagsama-sama ang mga oposisyon sa kandidatura ni Cory pero “nadaya” pa rin.

Hanggang sa isang araw na lamang mula sa isang balita sa TV na may mga sundalong nagsiumalma at nagsitago na sa Kampo Crame ang grupo ni Enrile at sa Aguinaldo naman si Fidel Ramos at kanyang mga tauhan. Matapos nito’y mabilis na nagsunurang mga pangyayari: ang panawagan ni Cardinal Sin; ang pagtatalo ni Marcos at Heneral Ver sa harap ng kamera; sa pagsalakay ng mga tao sa Malakanyang nang malamang lumikas patungong Hawaii ang mga Marcos hanggang sa panunumpa ni Cory bilang pangulo sa Klub Pilipino.

Nag-uumapaw ako sa pagyayabing ko bilang isang Pilipino noon. Namangha sa papuri ng ibang tao sa kakayanan at lakas ng loob ng mga Pilipino. Subalit unit-unting naglaho ang pakiramdam na ito habang papalayo nang papalayo ang mga alala ng EDSA. Ilang taon na nakalipas ng maging pangulo si Cory at di naglao’y pinalitan ni Fidel Ramos. Nagtratrabaho na ko sa isang bangko sa Makati. Bago pa ang gusali ng kumpanya kaya nagkaroon ng pagbabasbas nito; nagging pangunahing bisita ang pangulong Ramos.

Naalala ko pa ang higpit ng pagbabantay ng mga PSG. Shifting ang departamento naming kaya buong araw at gabi ang pagtatao sa opisina. Nataong panggabi ako noon; alas-diyes ng gabi ang umpisa hanggang alas-sais ng kinabukasan. Halos lahat ng dala ko binubusisi ng mga guwardiya ni Ramos: mula sa laman ng aking back-pack hanggang sa matagal at matinding pagkapkap sa aking katawan. Medyo nakakabastos na nga; halos umabot sa maselang parte ng katawan ko. At nang dumating siya, bawal na ang makapasok o makalabas ng gusali.

Nang aking binalikan ang mga pangyayari mula noon hanggang ngayon, wari ko’y halos walang makabuluhang pagbabago ang nangyari. Sa maraming pinagdaanan ng mga Pinoy parang walang natutunan sa mga leksyon ng kasaysayan . Ganun pa rin ang mga ugali ng karamihan sa pakikipagtungo sa kapwa: ang maisahan ang kapwa; ang palakasan at iba pang di-magandang ugali.

May nakapagsabing mapakaikli ng memorya ng mga Pinoy; madaling makalimot. May naghahayag na magbago na pero hanggang pananalita lamang ito at hindi umaabot sa isagawa sa pang-araw-araw na pamumuhay. Maging ako’y nawawalan na ng pag-asa.
Kailan ba talaga magbabago ang Pinoy? Talaga bang nakasanayan nang ningas kugon sa lahat ng aspeto ng ating buhay? Ano kaya ang magiging sagot sa mga tanong na ito? Sa aking henerasyon ay nasagot na ito pero ano kaya ang susunod na saling-lahi?

Note: I wrote this piece as part of the requirements in my Pilipino 3 class. It got recently published in the Kuro-Kuro section of Definitely Pinoy. Here's the link : EDSA at Ako

...!d(-_-)b!...

No comments:

Post a Comment