Friday, May 20, 2011

Ang Mag-Ate (Isang Dula)

Oras: Ala-sais ng umaga
Lugar: Sa gate ng bahay ni Lito

Lito (nag-iisip. nag-aagaw-tulog. galing opisina, isang call center sa Makati)

Nagkasalubong sila ng ate niyang si Tess. Tinatangka niyang buksan ito mula sa labas nang biglang bumukas ang pintuan ng gate. Si Tess ay ang nakatatandang kapatid na nagtratrabaho sa isang opisina sa Makati. Pang-umaga ang pasok kaya paalis pa lang ng bahay habang si Lito ay pauwi na.

Lito : Salamat, ‘Te. Ingat ka.

Tess : Salamat din, Etong (bansag ni Tess sa kapatid) Kamusta na work mo?

Lito : Ok naman. Marami lang “call.” Naglabas kasi ng bagong modelo ng cellphone yung kliyente namun. Madami sa “units” sira nang matanggap ng mga customers kaya ayun dagsa ang reklamo.

Napatigil bigla si Lito. Marami pa siyang gustong ikwento sa ate niya pero alam niyang gahol na ito sa oras.

Lito : (pangiting sinabi) ‘Te, sige na. Antok na talaga ako. Tsaka na lang.

Tess : Ok, sige. Alis na ko. Mamaya na lang natin ituloy.

Inihatid ni Lito ng tingin ang ate. Siniguradong nakasakay na ‘to ng jeep bago isinara ang gate. Sa magkakapatid na lima, silang dalawa lang magkalapit ang loob. Si Tess ay panganay at si Lito naman ang bunso. Lumaki si Litong nanay-nanayan si Tess. Madalas lapitan ang ate ‘pag may problema siya.


Nakatulog na si Lito pagkatapos niyang mag-almusal.


Pagdating ng hapon, magkapalit naman ang mag-ate. Paalis na siya at parating naman si Tess.

Tess : (medyo namumugto ang mga mata)

Lito : Ate, bakit?

Tess : Wala ‘to. Meron lang akong natanggap na di magandang balita sa office namin.

Lito : Eh ano yun?

Tess : Wala ‘un. Sige na. Alis ka na. Baka mahuli ka pa sa trabaho. Alam kong mahigpit sa oras ang office nyo.

Lito : Ok lang yun. Sinabihan ako na mag-half-day. So, hindi ako nagmamadali. (sabay ngiti)

Tess : Ah ganoon ba?

Lito : Oo kaya ano ba ang problema mo? Baka makatulong ako.

Tess : Ok… (medyo napipigilang magsalita) Baka kasi matanggal ako sa opisina eh. Medyo nalugi ang company last year. Kaya nasabihan kaming lahat na magbabawas ng tauhan.

Lito : ‘Te, ano dating sa ‘yo nun? Ano ang tyansa na matanggal ka?

Tess : Depende sa performance daw. So may evaluation kami mula bukas. Isang buwan ang itatagal. Pagkatapos nun, maglalabas ang HRD ng listahan ng kung sino ang mananatili.

Lito : Ngek! Ang tindi naman pala ng pressure sa inyo. Pero don’t worry, ‘Te. Nandito lang ako. Ako muna ang sasalo sa ‘yo. (sabay kindat)

Tess : Salamat (mahinang ngumiti), Etong.

Lito : No problem. Panahon na para makabawi ako sa ‘yo. Ilang beses mo rin akong natulungan nang mangailangan ako. Dapat lang ako naman ang tumulong.

Napaluha si Tess nang marinig ‘yun sa kapatid. Di niya akalaing si Lito ang makakatulong sa kanya. Medyo matagal nanahimik ang mag-ate. Pawang parehong napaisip ng malalim sanhi ng kanilang pag-uusap. Nakatingin si Tess sa bintana ng bahay habang pinagmamasdan siya ng bunso. Di naglao’y palihim na pinawi ni Tess ang luha sa pisngi.

Tess : O, sige na. Pumasok ka na. Ok na ‘ko. Maraming salamat talaga, Etong.

Lito : Ok lang yun, ‘Te. Ako na muna ang bahala sa ‘yo. Sino pa ba ang magtutulungan kung di tayong dalawa.

Tumayo na si Lito at lumabas ng bahay. Naiwan si Tess na nakatayo sa may bintana. Inihatid ng tingin ang bunsong kapatid hanggang sa makasakay ng jeep.


...!d(-_-)b!...

No comments:

Post a Comment